“ Maganda na po ang nasimulan natin. At mas lalong maganda po ang mararating natin. Ngunit huwag nating kalimutan na mayroong mga nagnanasang hindi tayo magtagumpay. Dahil kapag hindi tayo nagtagumpay, makakabalik na naman sila sa kapangyarihan, at sa pagsasamantala sa taumbayan.
Akin pong paniwala na Diyos at taumbayan ang nagdala sa ating kinalalagyan ngayon. Habang nakatutok tayo sa kapakanan ng ating kapwa, bendisyon at patnubay ay tiyak na maaasahan natin sa Poong Maykapal. At kapag nanalig tayo na ang kasangga natin ay ang Diyos, mayroon ba tayong hindi kakayanin?
Ang mandato nating nakuha sa huling eleksyon ay patunay na umaasa pa rin ang Pilipino sa pagbabago. Iba na talaga ang situwasyon. Puwede na muling mangarap. Tayo nang tumungo sa katuparan ng ating mga pinangarap. “ – President Noynoy Aquino (2010 State of the Nation Address)
Ngayong narinig na natin ang ulat sa bansa ng ating Pangulo, ano sa tingin mo ang patutunguhan nito?
Marahil sana’y na tayo na sa tuwing darating tayo sa punto ng SONA ng bawat pangulo ay makakarinig tayo ng mga pagyayabang, pagmumukha at pagpapakitang gilas kung ano ang mga proyektong nagawa nila para sa atin. Sawa ka na marahil sa ganito. Nauumay ka na rin ba sa mga pangulong walang bukambibig kundi pangako, pangako, pangako, pangakong mapapako rin sa bandang huli? Lahat naman siguro ganyan ang nararamdaman. Kaya’t wala nang gana upang makilahok sa pakikinig ng SONA ng isang pangulo. Punto nga ng ilan, “ Bakit mo pa dinadaan sa satsat? Eh kung gawin mo na lang kaya?”. Ganyan ang Pilipino. Ang aking kapwa mga Pilipino. Sabi ng diba, “Madaling sabihin, pero mahirap gawin”.
Hindi ko napanood ang kabuuan ng SONA ni PNoy. Oo, dahil hindi ginawang holiday ang araw na iyon. Sana’y nasaksihan ko ang bahaging iyon ng ating kasaysayan. Pero ng aking nabasa ang kabuuan ng kanyang talumpati ay nakuha ko lahat ng gusto niyang malaman ng publiko. Mula sa baluktot at sanga- sangang daang tinahak ng nakalipas na administrasyon at mga kontrobersiyang kinaharap nito hanggang sa pagnanais ng mga bagong lider na tayo’y tumahak sa tuwid na landas at isakatuparan ang mga pagbabago.
Pagbabago. Ngayon. Yan ang adbokasiya ng bagong pamahalaan. Angkop nga ang panawagang ito lalo’t lahat tayo ay uhaw rito.
Ngunit sa kabilang banda, paano nga ba natin makakamit ang pagbabago kung patuloy ang ideya sa pagitan ng gobyerno at masa na, “ Nangangako kami, kami ay umaasa sayo.”? Kung patuloy na aasa ang bawat isa sa atin sa pamahalaan, sa tingin ninyo may kahahantungan ba tayo? Ang pamahalaan ay isang institusyon na ang gawain ay pangalagaan ang sambayanan, magpatupad ng batas na sasaklaw sa lahat ng karapatan at responsibilidad, tugunan ang PANGKALAHATANG pangangailangan.
Ngunit iba na ata ang pagbibigay kahulugan ng mga Pilipino sa pamahalaan.
Pamahalaan para sa maralitang Pilipino:
-tutugunan ang pangangailangan naming sa araw-araw
-bibigyan kami ng permanenteng trabaho
-pag-aaralin ang isandosena naming mga anak
-bibigyan kami ng bahay
Pamahalaaan para sa maharlikang Pilipino:
-magpapatupad ng batas na kami ang makikinabang
-institusyong aasa sa amin, at iisahan naming
… nakuha niyo ba ang aking punto?
Mahirap man isipin, ngunit ganyan na ang aking kapwa mga Pilipino. Mag-aanak ng isang dosena. Walang maipakain dahil walang pinag-aralan. Dahil walang pinag-aralan walang disenteng trabaho. Tapos ang lakas ng loob sumugod sa Mendiola at magsisigaw ng tulong at halos lahat na ng maisisisi sa gobyerno ay nasabi na.
Para sa mga maralitang Pilipino. Tignan ninyo ang inyong sarili. Kasalanan ba ng pamahalaan kung bakit naghihirap kayo?kung bakit hindi kayo nakapag-aral at walang mahanap na trabaho? Oo, umasa ka kasi sa gobyerno. Alam mo naming hindi kayang tugunan ng pamahalaan ang indibidwal na pangangailangan. Pero bakit ngayon inaasa mo pa rin sa pamahalaan ang kinabukasan ng labindalawa mong anak kung alam mong ganito na ang kalakaran sa buhay? Magsikap ka gamit ang sarili mong paa para makaahon. Gawing sandalan lamang ang pamahalaan upang mapangalagaan ang iyong kinabukasan ngunit huwag habambuhay na sumandal dito at hayaang pasanin ang mga problemang ikaw rin ang lumikha.
Para sa mga nakakaangat na Pilipino. Mga pilipinong Natutulog sa de kutsong higaan at ni minsan ay hindi nakasinghot ng polusyon sa EDSA, ikaw nga. Saludo ako sayo dahil nagawa mong guminhawa sa buhay. Nakapag-aral at may sapat o sobra sobrang kinikita araw-araw. Ito ang tanong ko sayo, nagsikap ka bang talaga gamit ang iyong moral o isa ka din sa mga kasapi ng kilusan ng mga manggagantso at gahaman sa lipunan? Laging isipin na masarap makaangat sa buhay kung walang inaapakan at nilalamangan na kapwa. Tandaan, walang material na kayamanan sa langit. Hindi mo ba kayang magbitaw kahit isang singkong duling sa isang pulubing puno ng uling?
Para sa lahat. Pagbabago. Mahalagang aspetong dapat nating isadiwa. Palaging tandaan na walang ibang makakatulong sa atin kundi ang sarili lang natin. Hindi dapat sisihin ang pamahalaan kung napariwara ang iyong buhay. Sila ba ang nagdidikta kung ano ang magiging parte mo sa lipunan? Sila ba ang magpapalamon sayo sa araw-araw?
Tungkulin din ba nilang payamin ka? Ikaw. Oo ikaw lang.
Hindi lang nagtatapos sa unang SONA o sa buong panunungkulan ni PNoy ang tungkulin mo bilang Pilipino. Pagbabago, kapwa ko Pilipino.